KuloG at KidlaT

Si Isko sa Purok Paraiso

July 3, 2009

Naramdaman ko ang panunuot ng sikat ng araw sa aking balat na kailan ma’y wala nang iiitim pa. Dati nama’y hindi ito ganito pero sa mundong ginagalawan ko, ang magkaroon ng isang simple at malinis na damit ay isa nang luho. Madalas akong walang t-syert kapag kumakayod. Sabi ng mga katropa ko, magsuot daw ako ng damit dahil mainit at makakakuha ka pa raw dito ng isang sakit sa balat. Sangborn ba iyon? Sangborn o Sambern. Basta sakit sa balat. Yun na yun. Pero sabi ko naman, sanayan lang yan.

 

Bumangon ako sa kinahigaan kong lumang kudson sa isang payak na silungan sa gitna ng purok Paraiso, ang lugar kung saan ako lumaki at nananahanan ngayon. Sabi nga nila, isang malaking kabalintuanaan ang pagtawag sa lugar namin ng ganoon. Sa kwento ng Lola Asyang kong limang taon nang dedbol na dahil daw sa mambabarang, sa Paraiso daw nanalagi ang mga sinaunang tao, si Adan, si Eba, at ang Taong Tabon. Matiwasay daw ang pamumuhay doon at lahat daw nang naisin mo ay makikita mo. Ayos pala. Maraming mga prutas na marahil ay inilalako ni Eba sa mga suki niyang anghel at mga hayop na ipinapastol noon ni Adan. Ang Taong Tabon naman. Napaisip ako. Hindi ko alam kung ano ang pinagkaabalahan niya noon. Tagakatay marahil.

 

Sa Paraiso namang kinasasadlakan ng aking lahi ngayon, hindi mga bundok na tinatalukban ng mga punong kaimito ang makikita kundi mga kabundok na basura at kalat. Sa kanyang kalawakan, nahati ito sa dalawa, ang Gomahan at Minahan. Sa Gomahan, puro mga gulong ng mga sasakyan ang makikita. Sa Minahan kung saan nakatirik malapit ang munti naming bahay ng nanay ko, samu’t sari. Mga plastic, lumang damit, sapatos, telebisyon, batya, hanger, bag at kung anu-ano pa. Kaya tinawag na minahan, dahil doon madalas humahalukay ang mga magbabasurang tulad ko.

 

“Isko!”

Narinig ko ang maganda kong pangalan habang humihikab dala ng antok. Lumingon ako sa likuran.

 


 

“May bagong load galing Sentro. Anim na trak. Dili ko alam kung anong mayroon pero baka madamong ginto”

Si Bubwit, ang kababata kong bisaya ang ina. Enrico ang tunay na pangalan pero tinawag sa ganoong palayaw dahil walang takot niyang nginunguya nang hindi luto ang mga anak ng daga sa tirahan nila. Masuka suka ako nang una kong pinakinggan ang kuwento niya. “Kung dili iyon nakakaon bay, dedo na sana ako ngayon.” Yun na lang ang pakunswelo niya sa sarili kahayupang ginagawa.

“ Sige, ‘una ka na. Sunod na lang ako. Daan lang muna ako sa bahay” sagot ko.

“Sige bay. Huwag ka tatagal tagal at baka maubusan ka” sigaw niya habang dali-daling tinahak ang burol ng basura sa harap ko.

Lumakad na ako pabalik nang bahay. Pasipol-sipol, kung anu-ano ang tumatakbo sa isipan habang binabagtas ang damsayt na tinitirhan ng sandamakmak na langaw na nakasanayan ko nang kalaro. Kumplikado talaga ang buhay. Masuwerte pa nga ang aso, makatikim lang ng produkto ng pagriritwal ng tao sa daan, solb na. E ang tao, kailangan pa ng pera para lumamon.

Ayoko naman sanang dito na maagnas ang aking bangkay. Marami akong mga pangarap, para sa aking sarili at para kay Inay. Pero hindi ko alam kung paano ko isasakatuparan. Napabutong hininga ako at nagsimula uling mag-isip kung ano pa ang puwede kong gawin para umunlad ang pesteng buhay namin. Nakawin ko kaya ang traysikel ni kagawad? Sigurado akong medyo mahal naman siguro iyon. Pero tagilid, hindi ko alam magdrayb. Proproblemahin ko pa kung paano susundutin ang susi na lagi niyang pinapaikot sa kanyang hintuturo kapag nagiinuman sila sa tindahan ng Kanto dos. Napailing ako. E kung ibenta ko kaya ang isa sa mga bato ko? Malamang libo din ang ibabayad sayo ng sindikato. Pero baka mapaaga pa ang itinadhanang panonood ko ng sabungan ng manok sa langit na pamumunuan ni San Pedro. Napabuntong hininga nanaman ako.

 

Namalayan ko na lamang, wala na ako sa damsayt. Sa totoong lupa na ako nakatayo, Hapon na pala. Mag-aalas-kwatro na siguro. Marami nang mga tao sa Kanto tres. Mga nagsisibalikan galing trabaho, mga galing palengke, kanya kanyang bitbit ng bag at mga supot. Naghahanda na rin ang mga naglalako ng pisbol na akala ko dati ay hindi na kelan man magmamahal ang presyo. Dati singkwenta sentimos isa, ngayon pitong piraso lima’m piso na. Isang malaking kadugasan.

 

Marami na ding mga estudyanteng galing sa kanilang mga pinapasukang eskwelahan.

“Hay tsiks!” ngiti kong binati ang nasalubong kong isang magandang dilag na nag-aaral sa hayskul batay sa kanyang uniporme.

“ Nagtitrip! Adik!” buwelta niya sabay irap sa akin. Balita sa lugar ang kanyang saydlayn pero wala pa namang nakakapagpatunay. Napatawa na lang ako. Ilang metro na lang ang layo ng barumbarong naming nakatirik sa likod ng isang talyer ng sasakyan kaya binilisan ko na lamang ang paglalakad.

 

Binuksan ko ang pintuan naming walang seradura,

“Nariyan ka na pala. Uutang sana ako ng bigas kay Aling Bebang. Wala na kasi tayong lulutuin ngayong gabi e.” pambungad ni Inay na tinatahi ang luma kong damit. Malaki na ang ipinayat niya. Sigurado akong hindi na siya makikita kapag nagtago sa likod ng poste. Medyo namumuti na rin ang buhok.

 

“ Pasensiya ka na inay, medyo kapos sa ginto ang minahan ngayon e. Mga hindi na mapapakinabangan ang binabagsak Pero may load na dumating galing siyudad. Sigurado ako mayaman yun. Hindi ako magmamadali. Anim na trak naman e.” ani ko habang tinungo ang kusinang kadikit lang ng pintuan para uminom. Kinargahan ko ang basong napulot ko dati sa damsayt. Matamis ang tubig galing sa balon. Sabi nang iba, hindi daw iyon malinis. E anu pa nga ba? May libre pa bang malinis na tubig ngayon? Kalokohan.

 

“ Ayos lang anak. Bukas ng umaga, maglalaba ako kina kapitan at baka gabihin ako kasi mamamalantsa naman ako kina Mang Jaime nang may maidagdag tayo sa ipon natin” sambit niya ulit habang sumasayaw sayaw ang kanyang kamay hawak ang karayom. Nakaramdam ako ng konting kirot sa loob-loob ko. Patanda na si inay. Dapat hindi na siya gaanong nagtatrabaho. Bukas, magpapagod ulit siya.

 

Tinungo ko ang bintana, tumingala sa langit at pagkatapos ay tumingin sa malayo. Tanaw ko ang mga malalaking gusali ng siyudad. Sabi nila, doon daw nakatira ang mga mayayaman sa bansa. Sila lang kaya ang may karapatang tumanggap ng mga biyaya ng Diyos? Marahil nga. Bilib nga ako sa kanila e. Paupo upo lang at palakadlakad sa mga magagara nilang opisina, instant pera na sa kanilang mga bulsa. E kami, naglakad na sa apoy, uminom na ng gasolina, ngumuya na ng bubog, nilangoy na ang imburnal, ni isandaan ay tigang. May mga namumuno naman sa Pilipinas, sabi nila. Ewan ko lang kung totoo. Hanggang kapitan lang naman ang nasa kamalayan ko. Balita ko nga winawaldas niya ang pera ng purok namin, Ganoon din kaya ang pera ng bansa? Binubulsa rin banila? Kung pera ng bansa iyon, ibig sabihin may karapatan din kami ni Inay doon kasi Pilipino naman kami. Isang malaking kalokohan.

 

 

Nahagilap ng aking paningin ang isang naglalakad na lalaki. Mga kasing edad ko siguro. Disi otso. Nakasalamin pa ang loko. Malinis ang pananamit. Litaw ang kaputian ng uniporme. Malamang taga Bagong Diwa siya. Diyan lang sa Kanto Kwatro. Maraming may kaya dun. Minasdan ko ang dahan dahan niyang paglakad. Magara ang sapatos. Makinang. Hawak niya ang isang libro at pabigkabigkas pa niyang binabasa. Pakiramdam niya siguro siya ang pinakamatalinong tao sa mundo. Masasagot kaya niya kung bakit hindi nasusuka si Bubwit kapag ginagawa niyang kilawin ang mga daga sa bahay nila? Kapag nasagot niya, siya na ang Diyos ko.

 

Biglang may pumasok sa utak ko. Natuwa ako’t ako’y sadyang may utak pa pala. Hindi ko alam kung kakayanin ko pa pero nagpaparamdam ang pagkakataon. Natural maiilang ako at mahihiya. Sa tanda ko ba namang ‘to. Kalokohan. Pero wala namang masama kung susubukan. Napahinga ako ng malalim. Nilingon ko si Inay. Tumingin naman siya.

 

“Inay, ayaw mo bang mag-artista?” biro ko.

“Tumigil ka nga diyan. Kung anu-ano nanamang katarantaduhan ang pumapasok sa isip mo” sagot niya. Itinuloy ang ginagawa.

“Inay, may itatanong lang po ako”

“Ano yun?” pagtataka niya.

“Gusto niyo po bang gumanda ang buhay natin?”

“Oo naman.”

“ E yumaman?”

“Ano bang klaseng tanong iyan Francisco?”

“E tumira sa siyudad?” sambit ko. Napatingin siya uli sa akin. Naino niya siguro ang kaseryosohan ng aking boses. Sumikip ang lalamunan ko habang iniipon ang lakas ng loob na kailangan.

 

“ ‘Nay, pag-aralin niyo ako. Gusto ko pong mag-aral ulit.” ‘ka ko.

 

Naging seryoso din ang mukha niya. Hindi siya nakapagsalita. Napipi. Hindi ko mawari kung anong naramdaman niya sa sinabi ko. Sa tingin ba niya biro? Hindi ako nagbibiro. Biglaang pumasok pero alam ko sa sarili ko na desidido ako.

 

Napansin ko na lamang, bigla siyang naluha. Nakaramdam ako ng kawalang pag-asa. Siguro nga ay napalungkot ko siya. Napailing na lamang ako.

 

“ Pasensya inay, hindi ko sinasadya. Alam ko namang wala tayong pera pambayad ng matrikula sa hayskul. Lalarga na po pala ako sa Minahan. Baka mawalan pa ako ng biyaya” sambit ko habang papalabas na sa bahay.

 

“ Anak..”

 

Napalingon ako.

 

“Kaya tayo nag-iipon diba? Para matupad mo mga pangarap natin..” ngiti niyang sinabi.

 

“Sige po inay, mauna na po ako” paalam ko sa hapong iyon.

 

Napangiti na lamang ako.

Posted by kulogatkidlat at 5:07 pm | permalink

All comments are moderated. Your comments will not appear here unless approved by the blog owner. Thank you.

Add a comment