KuloG at KidlaT

Dalawang Istik ng Kalamares

June 22, 2009

Tila ipinahahayag na ng daigdig na ako’y may itim na balat sa puwit dahil sa kamalasang sumalubong sa akin ngayon. Lagi ko namang dinadala ang aking payong eh. Pero sa pagkakataong ito, nakaligtaan kong dalhin. At ngayon, heto ako, isang anak sa labas ni satanas, iginagala ang paningin sa mga aleng nakatulog sa dyip at nang madekwat ko ang kani-kanilang mga payong na nakalagay sa ilalim ng kanilang mga upuan. Napangiti ako saglit dahil sa katarantaduhang binabalak ko pero sa huli’y natigilan din. Ganito na lang ba ang buhay ko? Isang bente singko anyos na manggagantso, tambay sa kanto, at napagkakamalang adik? Napangiwi ako at napagdesisyunang magmuni-muni muna kesa alalahanin ang mga detalye sa buhay kong wala namang saysay. Isang buhay na nahubog ng kamangmangan at kawalang edukasyon.

Napatingin ako sa mga naglalakihang gusali na nadadaanan ng dyip. Diyan nananahanan ang mga mayayaman. Sila kadalasan yung mga nakasuot ng Amerikana lagi basta papasok sa trabaho daladala ang isang maliit na Samsonite, yung nakikita sa pelikulang sisidlan ng milyun-milyong perang ipantutubos sa mga nakidnap na bida. De-aircon siguro lahat ng opisina diyan kaya di nakapagtatakang kapuputi at kakikinis ng mga kutis ng mga nagtatrabaho. Napalunok na lang ako sa inggit habang iniisip ang laki ng pagkakaiba sa pinagtatrabahuan kong junkshop sa isang purok sa Commonwealth. Ayun. Tumpak. Resulta ng katamaran ko. Hindi na nga ako masyadong nakapag-aral, wala pa ring kapangapangarap hanggang ngayon. Ewan ko ba. Naniniwala na lang akong kung para sayo ang suwerte, iyo talaga, pero kung hindi, kahit ikaw pa ang pinakamatalinong tao sa mundo ay hindi talaga para sa iyo.
(more…)

Posted by kulogatkidlat at 4:35 pm | permalink | Add comment