KuloG at KidlaT

Best op Prends

April 21, 2009


Itinapon ko na ang natirang upos ng sigarilyo matapos ang isang malalim na hithit. Naramdaman ko ang nakarerelaks sa init ng usok sa magkabilang baga ko at hinayaan ko munang kumalat ang init sa aking katawan bago tuwirang pinakawalan ang kulay abong hanging nagpapagaan sa loob ko. Matagal na akong kinukumbinsi ni Itay na itigil na ang paniningarilyo dahil sadyang wala naman daw itong naidudulot na mabuti. Oo nga naman, perwisyo. Kahit wampipti  isang stick, pambentsin na yun ni Inay sa karinderya niya.  Sinibukan ko naman itong itigil e. Sa katunayan, magtatatlong buwan na akong hindi nagyoyosi. Pero nabali ang aking magandang rekord ngayon ngayon lang. Lintek.

 

Sa kabila nang init na binigay ng pagyosi, may parang nginig parin ang katawan ko. Mahangin e. Katatapos umulan. Nak nang put^. Kung bakit ba naman kasi umulan pa e kasagsagan ng summer. Napabuntong-hininga ako sabay silip sa aking pasira nang relo.  Alas onse kwarenta. Perpek. Maglilitanya nanaman si Inay. At dahil wala na sa plano ko ang mapagalitan ng mas malala, dinalian ko na ang paglalakad.

 

Madulas ang mga eskinita na tila wala nang lulusutan dahil sa dilim. Ang mga ilaw ng baranggay ay pundido mula pa nung pasko at sadyang wala na yatang plano ang mga kagawad na palitan ang mga yun. Nang makita ko ang lugar-igiban ng purok, minarapat kong magmumog muna para lunurin ang sangsang ng sigarilyo sa aking mga gilagid. Ayos.  Binombahan ko ang poso ng kaunti at saka ako yumuko sa harap nito’t hinayaang maipon ang umaagos na tubig sa aking naghihintay na bunganga. Pinakulo ko ang tubig sa loob at saka iniluwa pagkatapos. Sumilip ako ulit sa relo ko na kita naman kahit papaano sa gitna ng kadiliman dito sa Purok Araruhan. Alas onse kwarenta y kwatro.

 

Dineretso ko na ang huling eskinita at saka lumiko sa kanan. Kita ko na ang bahay pero himala, patay ang ilaw  sa sala. Napatayo ako mga sampung metro mula  sa pintuan.  Pati ang kwarto nila Inay sa taas ay hindi rin nakasindi. Napangisi  ako. Tingnan mo nga naman ang sinuswerte. Its my day.


Pagtapak ko’y umalingawngaw ang mga batya ni Inay sa labas dahil sa naghahabulang pusa.


“Letseng mga pus–”  Natigilan ako nang mapansing kong may taong lumalapit mula sa punong mangga.  Yun na. Lintek. Hindi na umubra ang salitang “pamilyar” sa sitwasyon.. Kahit anino lang at karampot na liwanag ang bumalot sa mukha niya’y alam kong siya iyon at sa aking direksyon nakatingin ngayon.



 

 

Parang bumabagal ang ikot ng mundo sa bawat pagtapak ng paa niya. Papalapit ng papalapit ang espasyong namamagitan sa amin at pahigpit naman ng pahigpit ang  nakabilog ko’t nanggagalaiting mga kamao. Hindi ko alam kung anong kahihinatnan namin kapag biniyak ko ang ulo niya ngayon. Lintek. Lakas parin ng apog niyang magpakita.

 

“Anung ginagawa mo dito? Galing kang Cloud 9?  .”  sambit ko agad kahit bakas ang pag-uyan sa tono ng aking boses.

 

” Biboy, pasensya talaga kani–”

 

“E tarantado ka pala e. Ako na nga ang nanahimik ikaw naman ang nambubulabog. Umalis ka na nga. Nak nang put^”


Di ko napigilan ang aking sarili sa mga salitang iyon. Nakaharap ako sa kanya at kung mas naging bayolente pa  ako’y sabog na agad ang ilong niya. Nakatapat ang kanang bisig ko sa direksiyon niya habang nanatiling nakalutang ilang sukat mula sa mukha niya ang nanlilisik kong kamao.


” Ano? Dudurugin mo mukha ko  ha Biboy? Kaya mo? Tuloy mo lang utol! Ano? Tuloy mo?” pangungumbinsi ni Pol  na halata ding galit sa mga oras na iyon. Kahit gusto kong ituloy, hindi ko magawa. Kahit saang anggulo ko tingnan, maling mali siya sa atraso niya. Pero hindi ko pa rin kayang saktan tung lintek na to. 


“Boy, pumunta ako dito para humingi ng tawad” sambit niya agad matapos kong ibaba ang kanang braso ko. 


Ako ang lumabas na duwag. Hindi na nakapagtataka.


“Wala na akong oras sa  mga paliwanag mo Pol. Sawang sawa na rin ako sa mga alibi mo e, lintek.Kahit siguro kelan, hinding hindi ka magtatanda ” sagot ko sabay sandal sa pader ng aming bahay. Naramdaman ko ang panunuot ng basang lumot ng semento sa aking damit. Malamig. Pero napawi nang  mabilis dahil sa umaalab na galit sa aking katawan. Napailing ako.


“Hindi ko sinasadya yun Biboy.” natigilan siya at napaupo sa tabi ko.  “Natukso ako. Hindi ko nga alam kung paano ko ipapaliwanag kay Charm e. Di ko alam ang gagawin ko. ” pagtutuloy niya.


“E anong gusto mong gawin ko? Pagsabihan ka ulet? Nak nang Put^. Sana pala hindi na ako nagpunta sa bording haws mo kanina. Anong napala mo sa sampaguitang yun? Nakaraos ka ha? Hindi ka ba pinagsasabihan ng nobya mo? Ipatsek-ap mo na rin yun. Baka pareho na kayong may–”


Natahimik kami pareho. Walang nagsalita. Limang segundo din ang dumaan sa harapan namin na parang ang  paglagaslas lang ng kanal at mga huni ng alibangbang ang tanging mga tunog sa mundong walang katarungan.


“Ba’t di mo maituloy?” tanong niya na medyo sarkastiko pang ngumisi. “Ikinakahiiya mo ba ako utol?” napailing siya.


Napakadaling tanong pero parang napakakumplikadong sagutin. Kung sa amin lang ni Pol, ayos lang, walang problema. Pero hindi ko na alam ang gagawin ko kapag may iba pang makakaalam. Napalunok ako sabay tingin sa bespren kong isang buwan na ring naghihirap.Nakaupo siya, nakatitig siya sa kawalan. Bakas sa mukha niya ang matinding pagsisisi.


“Hindi kita ikinahihiya utol.” Marahan kong sinagot ang tanong niya. Kung hindi pa alam ni Charm, nasa sayo na iyan kung sasabihin mo sa kanya. Isipin mo ang kapakanan niya Pol. Nalulunod ka na sa sarili mong kapabayaan, hihilain mo pa ba pati siya?” pagtutuloy ko. Sa takbo ng sitwasyon, alam kong hindi tamang sa galit at pagkamuhi ko dapat idaan ang lahat.


“Natatakot ako ‘Boy. Sobra.” aniya. Dinig sa kanyang boses ang matinding takot at kawalang pag-asa.

 

” Pero huwag kang mag-alala, wala pang nangyayari sa amin. Okey lang siya. Malaki respeto ko sa kanya utol”


“E sa sarili mo,wala kang respeto Pol?” 


Hindi agad siya nakasagot. Napatingin ako sa langit. Sa gitna ng makulimlim na himpapawid, parang bumabalik ang ilan sa mga senaryo ng aming buhay ni Pol. Noong maggraduate kami ng hayskul, noong sabay kaming magenrol sa unibersidad, ROTC blues, mga kabulastugan namin sa mall, pangungupit sa grocery, lahat. At sa dulo ng pagmumuni-muni’y, nakita ko ang tinuring kong bespren sa dulo ng  pasilyo ng ospital, nakaupo, walang bakas ng pag-asa, hawak ang isang papel na gutay gutay na dahil sa pagkakatupi sa gitna ng kanyang nanghihinang kamao. At ang senaryo kanina nang datnan ko siya sa kanyang bording haws, nakaupo sa sahig, habang ang isang babaeng bakas ang uri ng pagkakakitaa’y nagbibihis hawak-hawak ang ilang daang piso.


Ibinalik ko ang tingin ko sa kanya dahil nakakapanlumong  alalahanin ang pangyayaring iyon.  Nakayuko siya. Nakatago ang ulo sa gitna ng kanyang mga brasong nakapatong sa tuhod niya habang nakaupo. Bakas sa paggalaw ng kanyang mga balikat ang hinanakit na hindi niya nailalabas. Nilapitan ko siya at tinabihan sa pag-upo. Lalo pa siyang napahagulgol nang ilagay ko ang palad ko sa kanyang balikat.


“Tahan na utol. Kaya mo yan.Hindi diyan natatapos ang lahat.” aniko habang tinapik ko ang balikat niya.


“Ayoko na utol.” sambit niya sa gitna ng  kanyang pag-iyak. ” Ayoko na e. Nagsisisi na ako”


Alam kong huli ang pagsisisi. Huling-huli na. At sa gitna ng paghikbi niyang iyon, dama ko ang kanyang takot sa mapanghusgang mundo. Dito niya ako kailangan. Kulang ang dasal kapag wala ni isang taong puwedeng sandalan. Wala na akong magagawa. Hindi na niya maitatama ang mali pero alam ko ring hindi pa siya tuwirang napaglulubugan ng araw.


“Utol, magkape ka muna sa loob.” pag-aaya ko sabay bukas sa pintuan ng bahay pati na rin ang ilaw ng sala.


Tumayo siya. Pinunasan ang luha pero nakayuko parin ang ulo at ang mga mata’y nakatitig sa baba. Tinanggal niya ang kanyang sapatos at saka pumasok na rin sa loob.


“Java Nut o. Single shot o double shot?” seryosong tanong ko.


“Ulol.” tanging sagot niya sabay bato sa unan ng upuan sa direksyon ko.


Napabuntong hininga ako.


Parang walang nangyari.

Posted by kulogatkidlat at 4:38 pm | permalink

All comments are moderated. Your comments will not appear here unless approved by the blog owner. Thank you.

Add a comment